Unang Kabanata
Kasalanan uli ni Lila.
Sa totoo lang, lagi naming si Lila ang sanhi ng anumang kaguluhan sa klase. Minsan, nakikipagtalo sa guro, o nangongontra ng kung sinumang awtoridad. Kaya noong huminto ang klase sa hangganan ng gubat at pinagsabihang naikansela ang camp, walang nabigla nang marinig ang boses ni Lila. Nagpapanggap na magalang ang tinig niya, pero walang nalinlang. Kahit ang mga nasa likod ng pila ay napansin ang kanyang natatanging tono; ang tanda ng panibagong laban, ang simula ng kumukulong digmaan.
“Sir, ano po ang ibig niyong sabihin na ‘ikinansela’ ang camp? Maganda naman po ang panahon at hindi umuulan. Bakit biglang nagbago ang ating agenda?”
Nagsimula ang bulungan at pustahan. Sino kaya ang mananalo sa raun na ito? Mapaparusahan na ba si Lila? O makakalusot na naman dahil sa kanyang pagkadalubhasa sa sining ng pangangaway? Napahimutok na lang ang iba, lalo na si Amihan, ang tanging kaibigan ni Lila na siguradong madadamay. Katulad na ng unang libong pagkakataon na hindi mapigilan ni Lilang ipaglaban ang kanyang matitinding paniniwala.
“Binibining Albao,” ang ’di natutuwang tugon ni Sir Pinto kay Lila. “Hindi na lang tayo magbi-bivouac. Utos ng Principal. Masyado raw mapeligroso rito.”
Pabalik sana ang guro sa bus nila, ngunit hindi pinaraan ng mag-aaral. Nakahalukipkip si Lila at tinaasan niya ang kanyang boses. “Hindi ba po iyan ang dahilan ng ROTC? Para maranasan ang peligro at maging handa sa panganib?”
Binilisan ni Amihan ang kanyang paglakad papunta kay Lila, dala ang kanyang mabibigat na bag. Isang babala na papasok na si Lila ng beastmode: diretso ang kanyang Filipino. Wala nang pa-Ingles-Ingles.
“Respectfully,” ani Amihan nang malapit-lapit na siya sa eksena, “this part of the forest is close enough to human establishments for any animals to be scared off. And the whole class is here along with you. I’m pretty sure we can take care of any snakes, if that’s the problem.”
Nabuo ang isang simangot na lalong kumulubot sa mukha ng kanilang guro. Halatang hindi lang mga hayop ang kanyang inaalala. Nagpalitan ng tingin ang mga nakatatanda na gagabay sana sa kanilang pag-bivouac. Kanina pa silang palihim na nag-uusap. Nagpalitan din ng mga tingin ang magkaibigan. Ang tingin ni Lila ay nangungusap na ‘H’wag kang mangialam. Kaya ko ‘tong mag-isa!’ At ang tingin naman ni Amihan ay nangangahulugang ‘Uwing-uwi na ako. Huminahon ka, parang awa mo na!’
“Kung nasabi ito sa akin kanina, hindi na sana tayo mapaparito,” ang napapailing na sabi ng kanilang adviser, si Mrs. Cruz, na sanay na at tila nasasawa sa pangangatwiran ng bata. “May mga masamang espirito raw sa gubat. Nasisiraan daw ng ulo ang lahat na napaparito. Apat na ang namatay, kaya mas mabuti kung bumalik na lang tayo bago mangyari ang kung ano.”
Kumulimlim ang kapaligiran. Tumahimik ang mga kaklase nila, tila kinilabutan. Unti-unting lumayo sila sa matatangkad na puno na natatambakan ng mga ubas. Tumango ang mga guro, seryosong-seryoso ang mga mukha.
“‘Namatay’?” nautal na ulti ni Amihan.
“‘Masamang espirito’?” nangungutyang ulit ni Lila.
Sa isang saglit, kasi sa kanyang mga mata na nanlaki dahil sa ’di makapaniwala, pati na sa kanyang kulot na buhok na hindi maaayos ni mapapaamo ninuman, nag-anyong mabangis na halimaw si Lila na nanggaling sa mismong gubat na iyon.
“Ihihinto niyo ang aming edukasyon dahil sa isang sabisabi? Kaya pala walang usad ang ating ekonomiya!”
“Lila?” nag-aalalang tawag ni Amihan, subalit patungo na ang kanyang kaibigan paloob ng gubat. Sumulyap siya sa mga guro. Mukha silang naiskandalo. “Excuse me,” ang kanyang tanging paalam bago habulin si Lila.
“Lila. Why?” kanyang bagot na hingin.
“Emansipasyon,” ang nakuhang tugon. “Papalayain ko ang Pilipinas mula sa kadena ng takot. Ng mga pamahiing walang pinagbasehan. At iba pang kalokohang nilikha ng mga taong walang magawa sa buhay!”
Umakyat siya sa isang malaking bato at itinaas ang kamay na walang hawak na bag. “Hoy mga masamang espirito!” singhap ni Lila. “Sugurin niyo na ako!”
Natakot si Amihan, pero ito’y panandalian lamang dahil naalala niya na handa nang mamatay ang kanyang loob.
“Miss Albao! Bumalik ka rito!” sigaw ni Mrs. Cruz.
Binitawan ni Lila ang mga bag. Hindi maaakala sa maliit niyang katawan, pero malakas ang mga bisig niya at mabilis siyang nakaakyat ng isang punongkahoy. Tinitigan na lang siya ni Amihan, walang balak na magpakahirap.
“Hangga’t matapos ang gabi at sumapit ang bukangliwayway, hindi ako aalis dito!” sigaw ni Lila na napaka-dramatiko.
Tumingala si Mrs. Cruz mula sa paanan ng puno. Halos tatagpo ang kanyang mga kilay sa pagkayamot. Wala pang balak bumaba si Lila.
“Ikaw? Zelsos?” nangangalit na tanong ng guro kay Amihan.
“Ah, I’ll stay too.”
“May pera kayong pang-commute?”
“Yes, ma’am.”
Minasahe niya ang mga ugat sa kanyang noo. Parang ayaw na niya maging guro. “Bahala kayo!” At umalis na siya, halos sinasabunutan ang sarili sa poot.
Mula sa taas ng puno, pinanood ni Lila ang kanilang nababalisang mga kaklase. Pumasok sila sa bus at, hindi nagtagal, nilisan nila ang gubat.
“Lila?” narinig niya sa ilalim ng kanyang sanga. Paakyat na si Amihan, halatang nahihirapan sa kapal ng mga ubas. Hinawakan ni Lila ang palapulsuhan niya at hinila sa kanyang tabi.
“Thanks,” hinga ng lalaki. Mahigpit ang kanyang hawak sa sanga. “They really left us behind.”
“Mabuti nga.”
Tahimik lang si Amihan. Maaaring naghahabol ng hininga. Maaaring naghihintay. Alam niyang aamin din si Lila hinggil sa kanyang pagbubulalas.
Naghimutok si Lila, unti-unting lumalaho ang galit sa kanyang dibdib. “Talagang inaasahan ko na matutuloy tayo ngayon,” ani niyang parang nangungumpisal. “Puro kasi kotse at gusali rito sa Maynila…”
“You’re homesick?” Binuod ni Amihan.
Tinitigan ni Lila ang parating sa takipsilim. Nanatiling tikom ang mga labi niya. Sapat na iyon bilang sagot.
“It’s a good thing we bought camping materials, then.”
Lumingon siya para tignan ang kanyang kaibigan. “Sorry. Alam kong gusto mo nang umuwi.”
“It’s chill.” Ngumiti si Amihan, kasama ng pagkibit ng balikat. “I’m always down to die,” biro niya.
Sabay silang bumaba ng puno at binuhat ang kanilang mga bag. Kahit palubog na ang araw, wala silang takot sa malawak na gubat at naglakad sila paloob nito. Ginamit nila ang kumpas sa cellphone ni Amihan para hindi maligaw.
“You think people really lost their minds here?” tanong ni Amihan habang kinukuha ang dalang ukulele galing sa bag.
“Hmph,” ani Lila. “Yung mga mahina lang ang loob.”
Alam ng kanilang mga magulang na dapat magbi-bivouac sila ngayon, at hindi pa sila nasasabihan na hindi natuloy. Sigurado si Lila na hindi sila mag-aalala.
Habang tumatagal, mas kumakapal ang mga halaman, at abot-hita na ang damo. Narinig ni Lila ang pag-‘excuse me’ at pag-‘tabi-tabi po’ ni Amihan at pinagsabihan siya.
“H’wag ka ngang magtabi-tabi! Lumabas na kayo mga dwende, engkanto, tikbalang!” sigaw niya sa dumidilim na kapaligiran.
“Kapre,” dagdag ni Amihan.
“Kapre, aswang…” Nag-isip pa si Lila. “Tiyanak!”
Napangiwi si Amihan. “Not tiyanak. I don’t like tiyanak.”
“Labas na! Hinahamon namin kayo!”
Umalingawngaw ang kanyang tinig sa buong gubat, subalit walang sumagot liban sa lawiswis ng mga dahon at kanta ng mga kuliglig.
*
“Do you know how to build a fire?”
“Oo naman,” sagot ni Lila pagkatapos ilatag ang kanyang dalang sleeping bag.
“Thank God.” Nakita niya ang malaking ngiti ng kanyang kaibigan kahit ito’y natatabunan ng lilim. “Perks of living in the province.”
“Hindi. Natutunan ko lang sa Wikihow.”
“Ah…”
Nagtipon si Amihan ng mga putol na sanga, gaya ng nakikita nilang ginagawa ng mga artista sa telebisyon tuwing gagawa sila ng apoy. Sinubukan naman ni Lilang pagningasin ang mga ito. Hindi pa niya ito naranasang gawin, pero walang tao para manghusga sa kanya doon, kaya wala siyang pakialam kung magkamali siya. Dahil sa kanyang lunggati, kinabukasan nag-usok ang mga sanga.
Nang lumaki na ang apoy, nagtabi ang dalawa sa harap nito, kumakain ng Stick-O at kung anumang baon nilang meryenda na hindi angkop na hapunan. Wala ang kanilang mga magulang upang ipagbawal sila.
“Sa tingin mo, makaka-deliver ba ng Jollibee dito?” tanong ni Lila. Nagugutom pa kasi siya.
Natawa si Amihan. “You never know. Maybe the aswang get cravings.”
“Para sa Chickenjoy?” ngiti niya.
“’Nde,” and ngumunguyang sagot ni Amihan sa Filipino. “Para sa delivery boy.”
Nawala ang huling sikat ng araw at nagsilabasan ang mga bituin. Tinaas ni Lila ang kanyang mga kamay para maramdaman ang masarap na init ng apoy, tulad lang ng ginagawa niya noong maliit pa siya.
“This is actually really nice,” bulong ni Amihan.
“Oo nga,” sang-ayon ni Lila habang pinapanood ang mga bagang lumilipad papunta sa buwan. “I-vlog kaya natin.”
Nilabas ni Amihan ang kanyang cellphone at nagsimula ng video. Wala siyang selfie stick kaya pinatong niya na lang ito sa kanilang mga bag.
“The date is October 15, and Ms. Cruz left us behind in a haunted forest. We’re on a mission to save the Philippines from…” Huminto siya. “Um…”
“Mula sa ilusyon ng takot at ‘masasamang elemento’,” tinapos ni Lila. Halatang nayayamot na siya sa paksa.
“We’re also gonna make a cover of Huling El Bimbo,” ani Amihan sabay labas ng ukulele.
At dahil wala na silang magawa, nagkantahan sila ng malakas para marinig ng mga pinaghihinalaang ‘halimaw’. Pagkatapos ng Huling El Bimbo ang Torete. Tapos Mang Jose at Sirena. Tinuloy nila ito nang parang konsyerto hangga’t mawalan sila ng kanta at bumigat na ang kanilang mga pilik-mata.
*
Pagdilat ni Lila, wala siyang makita. Patay na ang kanilang apoy, at tinabunan ng mga alapaap ang kislap ng mga bituin.
“Mm. ’Nong oras na?” tanong niya, pero walang sumagot. Kinapa niya ang latag sa kanyang tabi.
Nawala ang katawan sa loob nito.
“’Mihan?” tawag niya. Wala, ni isang kuliglig, ang sumagot.
Tumayo siya at pinagpag ang kanyang kusot na uniporme. Paglipas ng ilang segundo, luminaw ang paningin niya. May gumalaw! Sinundan niya ang silweta, at ayun nga si Amihan papunta sa mga puno. Hindi siya lumilingon o tumitigil. Patuloy ang kanyang paglakad.
“Ano, nasiraan ka na ba ng ulo?”tawag ni Lila sa kaibigan niya, pero hindi ito kumikibo. Narinig niya ang tunog ng mga bagting ng instrument, ngunit wala itong himig at magulo ang pagtugtog.
“Hindi ’yun retorikal. Kailangan ko talagang malaman para mapatunayan o hindi ang teorya ko.”
Sa wakas, huminto ang silweta. Huminga si Lila nang malalim. Natakot siya. At dahil natakot siya, may kapangyarihan sa kanya ang kanyang kinatatakutan. Kaya nainis na lang siya.
Umikot si Amihan para harapin siya. Masyadong matangkad ang silweta. At masyadong mahaba ang buhok.
Bumalik sa kanyang isip ang sinabi ni Mrs. Cruz. ‘Apat na ang namatay.’ Yumapak siyang pabalik.
“Amihan!”
May kumalabit sa kanyang balikat at tumanglaw sa kanyang mga mata. Napatalon siya sa nakabubulag na ilaw. Hindi siya makasigaw. Hindi siya maka—
“I told you to bring a cellphone. Or at least a flashlight.”
Tinitigan niya ang tao na humahawak ng ilaw. Si Amihan. Umikot siya para tignan uli ang silweta, pero bigla itong nawala.
“S’an ka pumunta?” tanong ni Lila na parang demanda.
“I…uh…” nagkibit-balikat si Amihan, “needed to go.”
Napakurap si Lila. “Umihi ka?”
Kumunot ang noo ni Amihan at tinitigan niya ang kanyang mga sapatos.
Tumawa si Lila, kahit nangangatal. “Haha, yuck!”
“Oh shut up.” Nag-inat siya kasama ang isang malaking hikab. “Come on, we gotta go now. I would like very much to take a bath. Or maybe sleep on a real bed if we have any time left.”
Binalikan ng mga mata ni Lila ang lugar kung saan nakatayo ang silweta kanina. Hindi niya ito mahanap.
“Lila? You okay?”
“Wala. Nag-iisip lang.”
*
Sinundan niya si Amihan at ang ilaw ng kanyang cellphone pabalik sa kanilang kampo. Tahimik nilang niligpit ang kanilang gamit. Pinindot ni Amihan ang kamera ng kanyang cellphone at itinapat ito kay Lila.
“2:36 ng umaga, at hindi pa kami namamatay o nasisiraan ng ulo,” inulat niya. “Walang sumapi sa amin, nanukso, o pumalakpak sa aming concert. Wala kaming nasalubong na kahit anong nilalang liban sa paniki, langaw, at tipaklong.”
“Palaka rin,” dagdag ni Amihan. “In this instance, the rumours are proven to be void.”
“On the other hand, natutunan naming na masakit sa likod ang matulog sa lupa, at hindi nagde-deliver ang Jollibee sa kalagitnaan ng gubat.”
“We also experienced making a campfire and peeing in trees.”
“Siya lang umihi.”
“I don’t recommend it.”
“Ngayon kailangan naming umuwi kasi may pasok pa rin kami ng ala-sais! Ang ganda ng umaga, noh?” biro ng nag-iinat na Lila.
“And that’s it, folks. I’m on eighteen percent, so. Bye!”
At pagkatapos ng isang gabi kung saan marami ang naganap, nagsimula silang maglakad pabalik sa sibilasyon. Kailangan nilang mag-ingat. Kasi nga, hindi iyon parang gubat na mga halaman at nagmumuni-muning palaka lang ang nakatira. Isa iyong kabihasnan na punong-puno ng mga nilalang na mababagsik at walang awa: ang Tao.
Sa tingin ni Lila, ang Tao lang ang masamang espirito na dapat katakutan.