Eureka
Sa balkonahe nasa isang sulok ka,
Nakaupo at nakatulala,
Sa wakas makikita at makakasama na kita.
Tinawag ko ang iyong pangalan.
Lumingon ka nang may kasamang matamis na ngiti.
Mahiyain ako pero naglakas-loob ako sa iyo,
Kahit sa tuwing kausap kita, nanghihina ang tuhod ko.
Nagsalubong ang ating mga mata,
Nagkasundo na ang dalawang nag-iisa
ay magsasama at magiging karamay ng isa’t-isa.
Gumagaan ang loob ko sa iyo sa paglipas ng panahon.
Lalong lalo sa mga oras na ang bigat-bigat ng dinadala ko.
Pero hindi. Baka malungkot lang ako.
Nasasanay maging maligaya sa piling ko.
Pinilit kong lumingon kahit tulad mo lang ang hinahanap ko.
Pinilit kong lumingon kahit ikaw pa rin ang hinahanap ko.
Pinilit kong lumingon hanggang sa bumalik ako sa tahanang lagi at laging uuwian ko: Ikaw.
Sa tagal kong dinala ito, nanalangin ako sa Diyos kung bakit ako nagkakaganito.
Sa mga panahong hindi tayo nagkasama, ni hindi ka nawala sa aking gunita.
Pagkatapos ng bulusok ng tibok ng dibdib,
Pagkatapos ng mga walang patid na pag-iyak at pagtawa,
Ako’y napabuntong hininga hindi sa hinayang kundi sa tahimik na ligaya,
Muling tumitig sa iyong mukha,
Pinunasan ang luha sa ating mga mata,
At kapwa sinabing,
“Tanggap kita kasama ng iyong mga anino.”
At doon ko napagtanto,
Sa iyo lang ako susugal,
Manalo o matalo.
.