16. mapoot na pagsasalita
Sa bawat pag-usbong ay agad hinahantungan. Pilit na tinatabunan, kahit mukha na itong pinagtapal-tapal, ang intensyon ng dilim ay naroon pa rin. Ngunit, may nagbabantang pagsisisisi. Sa huli, ang sarili ay makararamdam ng tuliro. Malamang, may pag-ikot sa ehe. Ang bilog na dating pamilyar, lalagpas din sa linyang nakasanayan. Sa gulat, bubuka na lang ang bibig at ang mga mata ay… mananatili pa rin namang mga mata. Saglit lang ang pagluwa pero babalik pa rin naman. Ang mga ito ay bagong karamdaman. Ni hindi ko rin alam kung paano.
Ewan ko ba. Ako lang naman ang laging unang sumasagot sa iyo. Hindi rin pala maganda na masyado kitang kilala. Alam ko kasi, masasaktan ka. Magtataka ka, bakit walang gustong tumugon sa iyong paghinggil? Pero, minsan napapaisip ako. Nakakapagod din pala, ang sagutin ka. Mahirap talaga kalimutan ang nakaraan. Hindi pagkakaibigan ang tingin kong namamagitan sa atin. Hindi ko maipaliwanag. Kaya naman, inilalayo kita sa akin. Kailangan kong isantabi ang saya. May hatid pa ring poot, hindi lamang lingid sa paningin. Sabi mo, huwag ko sanang isipin na ako ay iyong ginagamit. Pero, ganoon talaga ‘eh. Ito ka, ito ako. Kakausapin ka, para masigurado kong hindi ka magbabago. Alam kong hindi ka na tulad ng dati, pero naiisip ko ’yung sinayang na oras. Dapat hindi na ko na lang sa iyo itinuon, dahil sa huli ay babalewalain mo rin pala. Masakit talaga. Kunwari na lang, biruan. Hindi na kasi ako makapag-isip ng iba pang paraan kung paano ipapaalam sa iyo na ayaw ko na. Oo, hindi ko maikakaila ang mga dala mong ngiti. Ngunit, ngingiti pa rin ba ako kahit ang nakaraan ay may dalang bubog? Matalas, tagos sa lamang-loob, dinidiin pa para mas lalo kong maramdaman. Gusto na kitang makita. Sa salitan ng tingin, malalaman ko kung ano ang opinyon ko ng pagkatao mo. Maaaring lumalim tayo sa mga nakalipas na buwan, pero desisyon ko kung tatapusin kung ano ang mayroon. Hindi naman na talaga tayo dapat aabot dito, pero bakit ganito? Isang sulyap lang ang kailangan para sabihing pinuputol na kita mula sa buhay ko. Oo, biglaan. Sa akin mo maririnig na kahit ano pa ang ginawa mo para sa akin, ibabalik ko lang sa iyo kung paano mo iginilid ang mga ginawa ko para sa iyo. Buhos nang buhos, buhos nang buhos. Akala mo hindi nauubos. Tanga. Para kasing ginagago mo ako. Bakit kasi hindi mo ako pinigilan? Alam kong may mali, pero bakit hinayaan mo lang? Hindi ka ba nagsasawa? Subalit mayroon kang dahilan kung bakit hindi mo tinapos. Ano? Masaya ba? Tangina. Lagi na lang sapul sa langit. Lagi na lang bulag na dumidinig. Sa aking pagtigil ay magkakaroon ng tanong. Nasaan ka na? Anong nangyari? Putragis ka, hindi ko alam. Nakakulong ako, kasi alam mo na hawak mo ang lahat. Ang mga tao, ang paligid, lahat sabay-sabay habang iniipit mo ako sa leeg. Nagpapanggap kang hindi mo ginagawa. Kasi, masusunod ka. Ang pinta na naman sa akin ay masama. Hindi ako naghahanap ng kaawaan, sinasabi ko lang ang totoo. Iba’t ibang mukha na ang nagamit ko sa mahabang panahong tayo ay magkasama. Babasagin ko ang lahat. Hahayaan kitang tumanaw sa itim na walang hangganan. Ito ang aking sarili, walang laman. Pero minsan ba pumasok sa utak mo na ganito ako? Wala na talaga akong pinagkukunan, ubos na. Plastikan na lang talaga. Sa huli, maaari kong sabihin na itong lahat ay isang intrusyon lamang. Pinapalala ko lang para maganda pakinggan. Hindi ako naniniwala na nasa akin ang mali, nasa iyo. Kahit anong maskara pa ang iyong iharang, lalabas pa rin ang iyong tunay na kulay. Kulay ka ng tae. Walang sawang pag-alingasaw ng ugali, peke ka. Isa lang ang masasabi ko, marunong gumanti ang buhay. Sana hindi mo mamalayang unti-unting dumadanak ang dugo mula sa iyong katawan. Hangad ko ang iyong pighati, mas ikasasaya ko ang iyong kamatayan. Dahil sa lahat ng pag-ibig na inalay ko, dapat makita kitang nakalibing sa lupa, naka-ataul at inuulanan. Maraming salamat, hiling ko na ang huli mong gagawin ay pagpikit. Huwag na huwag ka nang didilat, sayang lang sa oras. Paalam, makamit mo sana ang iyong huling hininga.
Hindi ako manghihinayang.