21. musang
sa napakaraming sandali ng buhay,
ni isang beses ay hindi ko inisip na ang ilan dito
ay hihilingin ko na sana maging guni-guni
marahil ang pagtatagal sa mundo
ang nagpakampante sa mga sandaling aking tatahakin
sigurado ang lahat ng kasiguraduhan
kaya naman, nagpatuloy na lang
sa mga gawaing nakasanayan, na parehong payapa at masaya
kailangan ng espiritung madilim at balisa
nahahanap lagi ang nais na katahimikan
sa daigdig na puno ng alingawngaw, na minsan ay hindi inaasahan
salamat na lamang sa paggising ng aking diwa
hindi maikakaila ang pagpapalit ng pahina
ng henerasyong hindi natin hawak sa palad, kaya dapat tanggapin
at ibuhos ang kakayahan sa mga bagay na makabuluhan
aking alaga na mayumi
wala ka man sa aking piling para samahang masaksihan ang dulo
luluha na lang sa tuwing litrato ay titingnan
20. marso-abril
Sa tuwing akala ko huli na, gumon na hindi pa
Iniibig kong hindi ka na maisip, galit lang ang naaalala
Bakit ko ba nasabi ’yon, labis na ulos lamang ang dala
Wala man lang dagok galing sa akin, kahit nakakayamot ka na
Nagkataong nadikit sa’yo, sana habambuhay kitang nilagpasan
Ang pagkakaibigang ito, minsan labag sa kalooban
Tunay ngang hindi sa Disyembre ang ligaya matatagpuan
Masakit na gunita lang ang nakukuha sa buwan
Hindi mo man lang ba naisip ang aking nadarama
O baka naman ako’y nakakaabala
Pasensya ka na, sino nga ba naman ako, ’di ba
Ayaw nga namang kausapin ang walang kwenta
19. labing-walo
Kung ako man ay tanungin,
pagod na ako sa paulit-ulit
na kaanyuan ng buhay
na nananakit ng damdamin
Tunay na nakapagtataka
ang tulak-hatak na bugso;
nakamamangha
na hindi ito humihinto
Ilang beses na narinig
na mayroong halaga
ngunit ilang beses na rin
muntik mabalewala
Minsan, parang wala na sa lugar
ang mga nararamdaman;
wala namang karapatan
gumamit ng tipaan
Kaya naman
parang lagi na lang nakasabit,
naghihintay
na tapusin na
Ngunit, kailanman
hindi ko inabot ang dulo;
siguro masaya
ang maglaro ng iba
Pero sino ba naman ako
para magsalita,
kahit isang tanong lang
ang kailangan para maliwanagan na
Laging nangunguna ang takot
at tatanggapin na lang
na kahit alam kong mahirap,
sa huli ay sasamahan ka
Paumanhin sa buhay na maraming mukha
kung saan ang bawat isa ay tumatangis;
sana magkaroon ng pagkakataon
na ikaw lang ang nakaharap sa akin
18. el flechazo
Ang kaligirang hangin ay lumalamig,
ang init ng ligaya ay wala na.
Kung dati, abot nito ang kahit anong panig,
ngayon, ipinagkakait ko na.
Tapang-tapangan, harap-harapan,
laging sinasabi na ikaw ang pangarap.
Ang sukdulang pagsaklob ay dahan-dahan,
dahil hindi mo maisip na ikaw ang hinahanap.
Kung maririnig ko sa iyo ang salamat,
sa taon mo ba, ako ay nababagay?
Kung maiintindihan mong ikaw ang nararapat,
magiging parte ba ako ng iyong buhay?
Tunay na nawawalan na ako ng bait,
ang natatangi nating pagkakaiba.
Sana alala mo pa ang pagmamalasakit,
sana ito na ang sa atin mag-isa.
Ang makamundong pagtataksil
ang sinisimbolo ng dahlia.
Ngunit ako lang ang kinikitil,
ako lang naman ang pumalya.
17. gumon
Diyan ka lang naman sa screen, laging nakikita
Habang nakikinig sa klase, nakatingin sa’yong mukha
Wala na akong laging inaabangan pa
Dumadating ang dulo na nasa isip ka
Nais ko sanang mapalapit sa’yo
Ilang beses ko na pinipilit gawin ’to
Subukin man ngunit nahihiya ako
Palagi na lang pagbagsak ang inaabot ko
Tama na siguro na ngayon lang naglapit
Dose na ng gabi, hindi alam kung saan kakapit
Kanta na lang ang pusong nagaalumpihit
Todo na ang pagkawalay sa dating mahigpit
Suliranin lang ’to, isang panaginip
16. mapoot na pagsasalita
Sa bawat pag-usbong ay agad hinahantungan. Pilit na tinatabunan, kahit mukha na itong pinagtapal-tapal, ang intensyon ng dilim ay naroon pa rin. Ngunit, may nagbabantang pagsisisisi. Sa huli, ang sarili ay makararamdam ng tuliro. Malamang, may pag-ikot sa ehe. Ang bilog na dating pamilyar, lalagpas din sa linyang nakasanayan. Sa gulat, bubuka na lang ang bibig at ang mga mata ay… mananatili pa rin namang mga mata. Saglit lang ang pagluwa pero babalik pa rin naman. Ang mga ito ay bagong karamdaman. Ni hindi ko rin alam kung paano.
Ewan ko ba. Ako lang naman ang laging unang sumasagot sa iyo. Hindi rin pala maganda na masyado kitang kilala. Alam ko kasi, masasaktan ka. Magtataka ka, bakit walang gustong tumugon sa iyong paghinggil? Pero, minsan napapaisip ako. Nakakapagod din pala, ang sagutin ka. Mahirap talaga kalimutan ang nakaraan. Hindi pagkakaibigan ang tingin kong namamagitan sa atin. Hindi ko maipaliwanag. Kaya naman, inilalayo kita sa akin. Kailangan kong isantabi ang saya. May hatid pa ring poot, hindi lamang lingid sa paningin. Sabi mo, huwag ko sanang isipin na ako ay iyong ginagamit. Pero, ganoon talaga ‘eh. Ito ka, ito ako. Kakausapin ka, para masigurado kong hindi ka magbabago. Alam kong hindi ka na tulad ng dati, pero naiisip ko ’yung sinayang na oras. Dapat hindi na ko na lang sa iyo itinuon, dahil sa huli ay babalewalain mo rin pala. Masakit talaga. Kunwari na lang, biruan. Hindi na kasi ako makapag-isip ng iba pang paraan kung paano ipapaalam sa iyo na ayaw ko na. Oo, hindi ko maikakaila ang mga dala mong ngiti. Ngunit, ngingiti pa rin ba ako kahit ang nakaraan ay may dalang bubog? Matalas, tagos sa lamang-loob, dinidiin pa para mas lalo kong maramdaman. Gusto na kitang makita. Sa salitan ng tingin, malalaman ko kung ano ang opinyon ko ng pagkatao mo. Maaaring lumalim tayo sa mga nakalipas na buwan, pero desisyon ko kung tatapusin kung ano ang mayroon. Hindi naman na talaga tayo dapat aabot dito, pero bakit ganito? Isang sulyap lang ang kailangan para sabihing pinuputol na kita mula sa buhay ko. Oo, biglaan. Sa akin mo maririnig na kahit ano pa ang ginawa mo para sa akin, ibabalik ko lang sa iyo kung paano mo iginilid ang mga ginawa ko para sa iyo. Buhos nang buhos, buhos nang buhos. Akala mo hindi nauubos. Tanga. Para kasing ginagago mo ako. Bakit kasi hindi mo ako pinigilan? Alam kong may mali, pero bakit hinayaan mo lang? Hindi ka ba nagsasawa? Subalit mayroon kang dahilan kung bakit hindi mo tinapos. Ano? Masaya ba? Tangina. Lagi na lang sapul sa langit. Lagi na lang bulag na dumidinig. Sa aking pagtigil ay magkakaroon ng tanong. Nasaan ka na? Anong nangyari? Putragis ka, hindi ko alam. Nakakulong ako, kasi alam mo na hawak mo ang lahat. Ang mga tao, ang paligid, lahat sabay-sabay habang iniipit mo ako sa leeg. Nagpapanggap kang hindi mo ginagawa. Kasi, masusunod ka. Ang pinta na naman sa akin ay masama. Hindi ako naghahanap ng kaawaan, sinasabi ko lang ang totoo. Iba’t ibang mukha na ang nagamit ko sa mahabang panahong tayo ay magkasama. Babasagin ko ang lahat. Hahayaan kitang tumanaw sa itim na walang hangganan. Ito ang aking sarili, walang laman. Pero minsan ba pumasok sa utak mo na ganito ako? Wala na talaga akong pinagkukunan, ubos na. Plastikan na lang talaga. Sa huli, maaari kong sabihin na itong lahat ay isang intrusyon lamang. Pinapalala ko lang para maganda pakinggan. Hindi ako naniniwala na nasa akin ang mali, nasa iyo. Kahit anong maskara pa ang iyong iharang, lalabas pa rin ang iyong tunay na kulay. Kulay ka ng tae. Walang sawang pag-alingasaw ng ugali, peke ka. Isa lang ang masasabi ko, marunong gumanti ang buhay. Sana hindi mo mamalayang unti-unting dumadanak ang dugo mula sa iyong katawan. Hangad ko ang iyong pighati, mas ikasasaya ko ang iyong kamatayan. Dahil sa lahat ng pag-ibig na inalay ko, dapat makita kitang nakalibing sa lupa, naka-ataul at inuulanan. Maraming salamat, hiling ko na ang huli mong gagawin ay pagpikit. Huwag na huwag ka nang didilat, sayang lang sa oras. Paalam, makamit mo sana ang iyong huling hininga.
Hindi ako manghihinayang.
15. Passe
be my awakening
Hindi ko alam kung paanong ikaw ang nagustuhan ko, alam kong may paninira kang ginawa sa akin. Ano nga ba ang pinagbatayan ko noon? Nalapit ako sa iyo, kahit may kapalit na sakit. Bakit ko iyon tiniis? Tanga ba ako? Anong kinain ko para makabuo ng desisyon na may kasamang paghihirap? Mabuti na lang ako ay umalis na.
cause of my suffering
Noong una, hindi ko naman sineseryoso. Kahit ngayon pa rin naman, kapag inaalala ko, wala talaga akong malinaw na intensyon. Pero, naramdaman ko na kailangan kitang kasama. Hindi ko alam kung bakit, pero kapag may gusto akong mangyari ay dapat mangyari. Sa huli, ako lang mag-isa. Sayang lang pala kasi malayo ka rin.
like what is happening
Masasabi ko bang nagbago buhay ko dito simula nang pumasok ako? Parang hindi naman. May pumukaw lang sa akin na nasa iyo, pero wala na iyon ngayon. Mabilis talaga ako magsawa. Tinigilan ko na agad kasi alam kong walang patutunguhan. Kaya naman hindi ako nasaktan ng isang tao. Napakatalino ko talagang tao, ano?
just experimenting
At nasaktan na nga. Sobrang bobo lang kung iisipin, bakit ko dinamdam? Sa tingin ko ba dati ay iyon na ang pinakaimportanteng bagay na mangyayari sa akin?Ang daming nawala, bakit ko hinayaan maganap iyon? Pero ayos lang ako, isang parte lang naman, pero sa kabuuan ay maayos ako? Tatanggapin ko ba na maayos ako?
really accepting
Ang babaw pero doon kita nagustuhan? Napakabilis naman ng pagbuo ng mga damdamin ko para sa iyo. Patay, bukas, ang pakikisama natin sa isa’t-isa. Masaya ako na nagbago ka na, hiling ko na lang para sa iyo ay mahanap mo ang gusto mo. Sabi ko nga, titingnan kita hanggang mainggit ako. Ganoon talaga, tiis-tiis lang.
good thing
Ikaw na, huli ka na yata. Wala na yatang susunod, kung magkikita-kita pa tayo ay baka mayroon. Komportable, para akong hinehele. Kaya napapaisip ako, ano ba talagang gusto ko sa iyo? Sa ngayon, gusto ko kapag may natatamasa ka sa buhay. Salamat, kasi patuloy mo akong tinatanggap. Magpahinga ka muna, hihintayin kita.
charles
Ngayong binabasa ko lahat, wala akong malinaw na direksyon sa pag-ibig. Ginagawa ko lang pampalipas-oras, pampagana. Masaya na ako sa kumpanya ko, pero sana, isang beses sa isang taon, may dadating na gugulo ng buhay ko, para naman may alaalang maiiwan kapag nalalapit na ang media noche. Sino na kaya ang susunod?
14. Teoryang Kinetiko
Sa tuwing walang natatanggap
Na mga salita sa iyo
Sa mga ganitong panahon
Ay napapaisip ako
Tunay ba tayong magkalapit
Kinukuwestiyon ko ang pagkapit
Ano nga ba ang basehan
Ng halaga ng ating pinagsamahan
Mga titing ng hangin inihahalintulad
Sa paghabol sa iyo at paglakad
Sa lupa, mga paa ko ay nakababad
Ito ang teoryang kinetiko, aking ilalahad
Sa patuloy na paggalaw ng mundo
Sa patuloy na paglipas ng oras
Sa patuloy na pagiba ng paligid
Maaalala mo pa ba, mga ating dinanas?
Katotohanang hindi ko hawak
Ngunit hindi mapapagod baguhin
Ang magulong kapalaran
Na isasang-ayon ko sa atin
13. Humanidades
Sipnayan
Sa pagpikit, sa pagdilat
Nahahawakan ang iyong balat
Dalawa lamang tayo
Mag-isa, sa mahabang pasilyo
Sabay tayong lalakad at gugunitain
Kung saan tayo nagsimula ay aalalahanin
Dumadaan ang dilim sa aking paningin
Isa na ba itong masamang pangitain?
Sa mga letra, salita ang ating umpisa
Mga mensahe ko sayo ay tuwi-tuwina
Ngunit parang mga numero’y sumama
Maiintindihan ka ba tulad ng matematika?
Ingles
Sa bawat baitang, ramdam ang puwersa
Para bang konsensya ay pinagisa
Ako ba ay ikaw o ikaw ay ako ba?
Sa panandalian ay kalimutan muna
Sa parang ay iikot tayo nang maraming beses
Tanda ko pa nagkita tayo sa isang Biyernes
Nagkita nga ba tayo o ako’y nalinlang na?
Teka, ito ba ay katotohanan pa?
Bahala na, basta’t kasama kita
Umupo muna tayo sa kalsada de liha
Parang may gusto akong sabihin
Ngunit paano mo ito iintindihin?
Filipino
Napagpasyahan ko na umuwi muna tayo
Habang pinagiisipan ang isasambit ko
Sa sarili kong wika bubuuin
Bakit nauutal pa rin?
Sa piling ko ay naparirito ka
May hinihingi pa ba akong iba?
Pagiging kuntento ay kailan kaya
Hindi ko pa ba makita na ito ay sapat na
Lumalapit na tayo sa ating destinasyon
Ako’y nakararamdam ng altapresyon
Bakit mayroon akong obligasyon?
Ipahiwatig sayo, aking mga emosyon
Aglipunan
Blag! Aray!
Natutulog lang pala ako
Bakit naman napaglaruan
Binato ng frisbee, aking puso
12. Labi ng Dalawa.
Sa totoo lang, hindi ko pa rin alam ang dapat maramdaman sa tuwing nakikita ka. Pilit kong tinatanggal sa isip na gusto kita, kasi mali. Pero isang hibla lang naman iyon ng aking puso. Madaling kalimutan, pero hindi madaling matanggal. Ngayon, alam ko namang hanggang dito lang talaga tayo. Isang taon na ang nakalipas, kaya naman siguro naiintindihan ko na. Nais ko na lang sanang bumitaw sa pagkakakapit. Ngunit ang mga kamay ko ay may sariling buhay. Sila na mismo ang lumalaban. Ayos lang naman sa akin, hindi naman ako apektado kapag sila ay nasasaktan. Gusto ko na lang ialay itong mensahe na ito sa iyo. Labindalawa, parang bilang ng buwan sa isang taon. Gusto ko lang na may pagtatapos, kaya ito na nga tinatapos ko na. Marami na ring dumating sa buhay ko, pero ikaw yata ang pinakamasayang nakasama ko. Sabi ko nga, salamat. Wala naman ako sinabing puputulin ko na, pero baka lang maputol kaya inihahanda ko na lang din ang sarili ko. Ito na.
Pinakamaalala ko ang iyong mga labi
Hindi lang dahil sa mga simple nitong ngiti
Pero dahil na rin sa iyong mga sinasabi
Kahit hindi ko man makita dahil sa linyang humahati
Iba ang pakiramdam ng pandemya
Gusto ko lang na may kasama
Ang mga labi mo ay masilayan, gusto ko na
Una kong gagawin ay yayakapin ka
Ipapaalam ko na rin na may dalawang klase
Ang mga labi na lumalaban umikot man sa ehe
At ang mga nagpapatahimik, pampalutang sa ere
’Yung una lang ang naranasan ko sa iyo, kaya naman eh
Nasabi mong marunong kang makiramdam, paano
Naging taas-taasan ka parang ehekutibo
Minsan naguusap tayo tungkol sa ehersisyo
Nagpapatahimik lang ang may pero
Sampu
Dalawampu
Tatlumpu
Apatnapu
Limampu
Sa totoo lang, wala na akong maisip. Ayun lang naman ang gusto kong sabihin. Sa susunod na araw, linggo, buwan, taon, hindi ko na alam. Maghihintay na lang ako ng tutupad ng mga pangarap ko. Kung meron man.