19. labing-walo
Kung ako man ay tanungin,
pagod na ako sa paulit-ulit
na kaanyuan ng buhay
na nananakit ng damdamin
Tunay na nakapagtataka
ang tulak-hatak na bugso;
nakamamangha
na hindi ito humihinto
Ilang beses na narinig
na mayroong halaga
ngunit ilang beses na rin
muntik mabalewala
Minsan, parang wala na sa lugar
ang mga nararamdaman;
wala namang karapatan
gumamit ng tipaan
Kaya naman
parang lagi na lang nakasabit,
naghihintay
na tapusin na
Ngunit, kailanman
hindi ko inabot ang dulo;
siguro masaya
ang maglaro ng iba
Pero sino ba naman ako
para magsalita,
kahit isang tanong lang
ang kailangan para maliwanagan na
Laging nangunguna ang takot
at tatanggapin na lang
na kahit alam kong mahirap,
sa huli ay sasamahan ka
Paumanhin sa buhay na maraming mukha
kung saan ang bawat isa ay tumatangis;
sana magkaroon ng pagkakataon
na ikaw lang ang nakaharap sa akin